Hindi ko masasabing napahinga ako ng lubos sa nagdaang sembreak na ito. Gayunpaman, ayos lamang. Para sakin ay naging makabuluhan naman ang nakaraang tatlong linggo ng sembreak ko.
So ano nga ba ang pinagkaabalahan ko nitong mga nakaraang linggo?
Una. Isa akong volunteer sa radio station ng AUF—ang DWAU 104.1 FM. Dahil dito, nagpupunta ako, kasama ng aking mga kapwa volunteers, sa school para mag-dj sa kanya-kanya naming mga radio programs at time slots. Aaminin kong medyo nakakapagod ang magpunta sa school lalo na kung ganitong sembreak. Minsan nga eh natutukso pa akong mag-stay na lang sa bahay at magpahinga kesa mag-attend ng isang episode sa aming radio program. Pero mabuti na lamang at nalampasan ko ‘yun at heto, balik eskwela na. At least ngayon, mas magiging madali para sa amin ang magpunta sa radio station kasi pumapasok na rin kami.
Oo, medyo nakakapagod nga ang pagpunta ng school para mag-dj pero kung susumahing mabuti, ‘di hamak na mas marami naman akong natutunan at mas naging makabuluhan naman ang sembreak ko ng dahil dito. Kung hindi siguro ako volunteer sa radio station, malamang, pangunahing pinagkakaabalahan ko ay ang pagkain at pagpapalaki ng katawan sa bahay.
Ikalawa. Ang sembreak na ito ay nagsilbing chance para sa akin para i-meet muli ang ilan sa aking mga high school friends na magdadalawang taon ko nang hindi nakakausap at nakakamusta ng maayos. Kahit pa nagkikita kami paminsan-minsan sa school, alam naman nating hindi sapat ang ilang minuto para magkamustahan at magkwentuhan kami patungkol sa mga bagay-bagay na nagaganap sa aming mga buhay di ba? Sa madaling salita, nagkita kami ng ilang friends ko at nagkaroon kami ng pagkakataong makapag-bonding kahit papaano.
Ikatlo. Nakapagsulat na rin ako ng iilang mga posts sa aking blog. Matagal ko nang gustong bigyang buhay ang blogsite kong ito, pero due to time constraints, at dahil sa sandamakmak na requirements at activities sa school, hindi ko magawang makasulat ng kahit isang maikling blogpost. Kung meron man, buwan ata ang bibilangin bago ito masundan ng bagong entry. Naging active din ang twitter account ko ngayong sembreak. Kung hindi ako nagkakamali ay mayroon na akong 268 tweets (oh di ba, proud! Haha). Naging pamilyar na rin ako sa paggamit nito. Gayundin naman sa aking tumblr account. Natuto na ako kung paano magpost at magreblog (Wow, achievement!). Kahit papaano ay medyo masy sense na ang laman nito, kumpara sa dati.
Ika-apat. Nakapanood na ako ng TV. Hindi naman talaga ako mahilig manood ng TV eh. Ewan ko kung bakit. Madalas, pag nanunuod ako, puro balita lang tapos konting soap operas tapos wala na. Hindi rin ako pamilyar sa klase ng mga commercials na makikitang ipinapalabas sa TV. Kaya nga ngayong sembreak, nagkaroon ako ng chance na obserbahan ang ilan sa mga commercials ngayon. Nakakatuwa ang ilan, pero marami ang nakakainis. Nagtataka nga ako bakit may ilang mga commercials na pinapayagang i-ere sa telebisyon gayong wala namang good values na maaring mapulot dito. Hindi ba nila naisip na may mga batang manunuod din na pwedeng maimpluwensyahan ng mga commercials na ito? Sabi nila, walang mali sa mata ng mga bata, kaya sana naman ay i-filter muna ng mabuti ang ipinapalabas sa TV bago ibalandra sa publiko (Okay, tama na ang pagmamarunong kahit wala akong alam, hahah).
Ikalima. Nakabawi ako sa tulog. Noong kasagsagan ng 2nd year (1st sem), sabi ko: Kung mayroon mang kulang sa akin ngayon, hindi iyon pera, kaibigan o boyfriend kundi TULOG. Salamat naman at nakabawi ako kahit papaano nitong mga nakaraang linggo. Panigurado, isa ang pagtulog ng gabi at paggising ng tanghali sa mga bagay na mamimiss ko kapag may pasok na.
Ngayong second semester, masasabi kong excited naman ako na pumasok at mag-aral ulit. Exciting naman para sa akin ang mga subjects. Sana ganoon din ang mga professors. Kinakabahan man, alam kong magiging masaya din ang sem na ‘to. Paniguradong isang araw, mabibigla na lang ako at ma-rerealize ko na ang bilis ng panahon. Sa isang iglap nyan, tapos na ang 2nd sem at makikita ko ang sarili kong naghahanda na para sa Ikatlong taon sa kolehiyo. Sana lang ay matupad ko ang pangako ko sa aking sarili na mag-aaral na ako ng mabuti ngayong sem na ito. Goodluck sa akin! Haha.
Oh, pano ba ‘yan. Tatapusin ko na ‘to. Medyo napapahaba na rin eh. Goodnight! May pasok pa ako bukas! :)
0 comments:
Post a Comment