Naisip ko lang bigla na ang dami
ko na palang pinalagpas na malalaking oportunidad na dumating sa buhay ko. Ang
dami ko na rin palang mga bagay na pinabayaang dumaan na lang. Ang dami na ring
mga karanasan na kung sana’y pinili kong danasin, malamang hindi ako
nagbabalik-tanaw ngayon at nag-iisip kung ano kayang nangyari kung hindi ako
umayaw sa mga hamon ng pagkakataon.
Halos apat na taon na ang
nakaraan mula nung matanggap ako sa isang ‘exchange student’ sa Japan. Hindi
biro ang pinagdaaanan ko bago ako tuluyang makatanggap ng tawag mula sa Diliman
na nagsasabing isa ako sa mapalad na dalawampung estudyante sa Pilipinas na
ipapadala sa ibang bansa para pag-aralan ang kultura nito. Labis ang saya ko ng
mga oras na iyon. Dala na rin ng pagiging isip bata, naisip ko noon na ang galing-galing
ko dahil nagawa kong pumasa sa mahigpit na proseso ng pagpili ng mga delegado.
Totoong hindi biro ang proseso.
Halos buong araw akong naghintay sa interbyung iyon kung saan pinakanta,
pinasayaw, at pinagtatanong ako ng mga bagay patungkol sa personal na buhay at buhay-estudyante
ko. Ilang buwan din akong naghintay ng tawag, at noong dumating na ang
pinaka-aasam kong kumpirmasyon, inayawan ko rin. Pinili kong manatili na lang dito
sa Pilipinas at makipagtunggali sa isang local na kompetisyon.
Marso 2009. Isa sa mga
pinakahihintay na araw ng isang mag-aaral ay ang kanyang pagtatapos. Aaminin
kong hinintay kong dumating rin iyon sa buhay ko, ‘yun nga lamang, hindi ako dumalo.
Maraming nag-iisip at nagtatanong kung anong dahilan bakit ko nagawa ‘yun. Alam
kong may mga nainis din at nagalit sa akin. Anu’t ano pa man, hindi ako
natatakot o nahihiya. Sa hindi ko pag-sipot, isang bagay ang napatunayan ko sa
aking sarili—hindi ko man nagawang harapin ang katotohanan noon, nakaya ko
namang magpakatatag sa kabila ng mga mapanuyang kritisismo at sabi-sabing
ibinabato sa akin matapos kong hindi dumalo.
Iba’t-iba man ang mukha ng bawat pangyayaring
pinalagpas ko, iisa pa rin naman ang mensaheng nais nitong iparating—na may
dahilan sa bawat pagtalikod ko sa oportunidad at may mga taong mananatiling
nandyan para sa akin hanggang sa huli. Bagamat nakapanghihinayang minsan, wala
akong pinagsisisihan. Dahil ang bawat bagay na pinalampas ko ay tinulungan
akong malaman kung sino ang mga totoong tao, at kung sino ang nagbabalat-kayo
lamang.
0 comments:
Post a Comment